Saturday, December 8, 2012

tanggapin mo,sana!


Ang bawat tao ay may kanya kanyang katangian,ugali at paniniwala sa buhay.  Maraming bagay ang nakaka apekto sa ugali ng isang tao. Maaaring  kinalakihan na niya, nakita sa bahay o sa paligid niya o di kaya naman ay dahil sa mga sakit na pinag daanan niya sa buhay.

Bata palang ako,natuto nakong hindi umasa sa iba. Ayaw ko ng pinag sasabihan o kaya ay pina ngungunahan. Pakiramdam ko kasi alam ko naman at kaya kong gawin yun mag-isa kaya hindi ako nanghihingi ng tulong. Kaya kong dumiskarte at gawin ang mga bagay bagay sa sarili kong paraan. Malaki tiwala ko sa sarili ko. Naniniwala kasi akong walang imposible pag ginusto pero hindi ibig sabihin ay madali ko lang yun magagawa, syempre mahirap pero kakayanin ko kasi may tiwala ako sa sarili ko.

Hindi ako nagpapanggap na maging iba para magustuhan ng ibang tao. Pinapakita ko kung ano ako. Pinapakita ko kung paano ako magisip. Maraming hindi nakakaintindi , pero marami ding humahanga sa katangian kong eto.

Hindi ko tinatago ang mga di magagandang bagay sa akin kasi kung kilala mo ako,,maiintindihan mo.

Malalaman mo ang mga dahilan sa bawat kilos at salita na binibitiwan ko.


MAYABANG – Sabi , mayabang daw ako pero mas gusto ko itong tawaging CONFIDENCE. Sigurado kasi ako sa sarili ko, sa mga sinasabi ,ginagawa, paniniwala at mga opinyon. Malakas ang loob. Karaniwan kasi mahilig akong mag bigay ng opinyon sa lahat ng bagay.  May mga sinasabi ako na alam ko namang maaaring maging mali para sa iba pero opinyon ko iyon, hindi ko naman ipinipilit yun, dahil lahat naman tayo may kanya kanyang paniniwala. Sinusubukan ko lang ibahagi ung iniisip ko. Hindi ako palaging tama dahil marami akong bagay na hindi alam. Hindi ako nagmamarunong. Pag hindi ko alam, sinasabi ko na hindi ko alam. Nagkakamali ako at tinatanggap ko ang mga pag kakamali ko. Marunong akong makinig basta sabihin lang ng maayos at deretso sakin. Hindi kasi ako manghuhula at hindi rin naman ako magagalit kung itatama ang mga pagkakamali ko dahil para sakin rin naman un. Handa akong matuto pag nagkamali, para hindi na ito maulit. Minsan kasi may mga bagay tayo na nagagawa ng hindi na natin namamalayan kasi natural na ito sa atin pero may mga taong hindi maiintindihan un o kaya iba ang magiging dating sa kanila depende sa pagkatao nila.

Sabi nga, pag ang isang tao na mababa ang tingin sa sarili ay nakakita o nakasalamuha ng taong malaki ang tiwala sa sarili, mayabang at arogante ang tingin nila dito kasi hindi nila naiintindihan kung paano mag-isip ang mga taong may kumpiyansa sa sarili. Lumiliit lalo ang tingin nila sa sarili nila dahil mas nararamdaman nila ung pagiging dominante ng mga taong sigurado sa sarili.

Kaya pag may nagsasabing mayabang ako, masakit sakin un, dahil alam ko na hinuhusgahan na nila ako ng hindi naman nila alam ang dahilan kung bakit ako ganun.  Maangas ako magsalita, parang laging tama pero hindi. Nasa ibang tao na talaga kung paano nila ako titignan,nasa personal na opinyon na nila kung… ako nga ba ay may kumpyansa lang o arogante talaga.

DOMINANTE – Hindi ko alam kung nakaka apekto dito ung pagiging mabilis tumaas ng boses ko. Pero ganun kasi ako lumaki. Ung mga taong nakapaligid sakin palaging nag sisigawan. Dun ko ata nakuha ung ugali ko na mabilis mairita. Pero mabilis lang din naman mawala ung inis dahil hindi naman talaga ako inis nun e, un lang talaga ung unang reaksyon ko pag hindi na kumportable ang nararamdaman ko.

Kapag may ginagawa ako tapos biglang may magtatanong.. karaniwan unang reaksyon ko,, “ANO!?!?!” , “TEKA LANG NAMAN!!!” at “ANO BA YON?!?!?!”  Hindi ko sadyang tumaas ang boses ko, natural na itong lumalabas. Pero sinusubukan ko talagang baguhin kasi hindi maganda at hindi lahat ng tao maiintindihan ito. Lalo na kapag ung kausap mo ay hindi sanay na pinag tataasan ng boses.  Minsan naman, pag nagsalita ako, may tono na parang nag uutos, maraming nag aakala na inuutusan ko sila, pero pag sinabi na nila na, bakit ko sila inuutusan, nagugulat ako kasi hindi naman at nagsosorry na din dahil kasalanan ko yun.

Sa ngayon, sinusubukan ko talagang baguhin ito. Mas napapansin ko na din pag napapataas na agad boses ko tapos mag sosorry ako dun sa kausap ko baka kasi sumama loob nila ng hindi ko alam e.

DIRETSO MAGSALITA – Alam kong diretso ako magsalita. Hindi ko alam kung saan ko ba natutunan yun. Prangka ako. Sinasabi ko ang nararamdaman ko pag naiinis ako. Hindi ko plina plastic ung tao. Kung ano talaga ung nakikita ko,sinasabi ko. Masakit na kung masakit. E masakit naman talaga ang katotohanan. Kung ikukumpara ako sa iba, mabait pa nga ako, hindi sobrang brutal ung mga salita na ginagamit ko. Marami lang talagang tao na pag sinabi mo sa kanila ung totoo, nasasaktan sila. Hindi nila matanggap ung katotohanan at palalabasin nilang ako ung mali dahil parang nakaramdam sila ng pagkapahiya sa sinabi ko.

PALABAN – Hindi ako nag papaapi. Hindi sa walang respeto pero hindi ako papalamang. Lalo na pag alam kong tama ako at tama ung sinasabi ko. Minsan nga pati jeepney driver na mali mag sukli pinapatulan ko kasi gusto ko lang maging patas. Nagbabayad ako ng tama kaya maningil siya ng tama. Hindi din dahil mas matanda sakin ay dapat ng galangin at palagi na silang tama. Pinipili ko ang mga dapat respetuhin sa hindi. Hindi ko din basta basta binibigay ang respeto. Tinitignan ko muna at pinakikisamahan bago nila makuha ung respeto na para sa kanila. Para sa akin, pag katapos ng tiwala, respeto ang sunod na mahirap ibigay sa tao.  Kaya madalas, matapang ako sa harap ng ibang tao,laging palaban at mataas ang depensa, lalo na pag hindi ko pa kilala. Susubukan kong kontrahin sila at titignan ko kung paano sila mag rereact, pag nakita kong maganda talaga ang pagkatao nila,  dun ko sila rerespetuhin.  Dun ko na sila pakikisamahan ng maganda. Palaban ako sa mga taong hindi ko gusto o kaya hindi maganda ung ginawa/ginagawa sa akin.

MAARTE – Marami akong ayaw. Ayoko ng mga taong palagi na lang late. Pag sinabing 8am ang oras na magkikita kita, dapat 8am andun na, hindi 8am e nasa byahe pa o kaya paalis palang. Wala kasing pagpapahalaga ang mga taong late sa oras ng ibang tao. Bawat oras mahalaga, hindi dapat sinasayang sa paghihintay lang sa mga taong paimportante.

Ayoko din sa mga tao na ang daming reklamo sa buhay nila. Lahat na lang may sinasabing hindi maganda. Inuubos nila ung lakas nila sa pag rereklamo. Maingay sila sa pandinig ko.

Ayoko din sa mga taong nanlalamang. Ung mga taong nang gagamit ng kahinaan ng ibang tao para sa sarili nila. Madaling mag manipula ng tao pero dapat gamitin sa tama.

Ayoko din sa mga nagmamarunong. Pag hindi ko tinatanong ang opinyon o kaya hindi ako nang hihingi ng tulong, ibig sabihin  nun hindi ko kailangan. Lalapit naman ako at magtatanong pag hindi ko alam. WAG na WAG mo lang akong pangungunahan at itatrato mo ako na parang walang alam.

DEMANDING – Hindi kasi ako ung klase ng tao na OO lang ng OO sa lahat. Kinukuha ko ang para sa akin. Gusto kong binibigyan ako ng atensyon na sa tingin kong dapat meron ako. Gusto ko kasi ng buong atensyon ng mga taong mahalaga sakin kaya nag papapansin ako.  Ayoko ng hindi ako pinapansin lalo na ng taong mahal ko. Ok lang kung may ginagawa basta sabihin lang. Pero pag hindi nag paalam , naku tiyak mangungulit nako niyan. Hahanapin ko na yan. Magpapalambing tapos pag hindi nilambing magagalit kasi parang wala naman siyang pakialam sakin. Tamang usap lang naman ang kailangan ko. Sabihin mo sakin ng diretso para maintindihan ko.

Bakit ko ginawa itong post na ito? Simple lang, para mas makita ng iba kung paano ako magisip at kung anu ang mga dahilan ko.

Marami pang bagay tungkol sakin ang hindi nakikita ng iba. Kailangan ng maraming buwan o taon para makilala ako ng lubusan.  Marami akong magagandang katangian pero meron ding hindi maganda.  May ilan dun ,hindi ko kayang baguhin kasi ako na yun eh. Kailangang maintindihan at matanggap ng ibang tao yun kung gusto nila akong makasama. Kasabay nun ung pag intindi ko din sa mga di magandang ugali din nila. Wala naman kasing perpekto. Nasa pagtanggap yan at pag intindi. Kaya mahalagang pinag uusapan ang pag kakaiba para hindi pinag sisimulan ng hindi pagkakaintindihan. Maswerte ako kasi merong mga tao na nagsasabi ng mali ko. Natutulungan nila akong maging mas mabuting tao. Hindi ko kasi kailangan ng taong ayaw akong saktan kaya sasabihin nalang niya ung gusto kong marinig.  Kailangan ko ung magsasabi ng totoo na kahit masaktan ako e sasabihin pa rin niya dahil ang totoong tao na nag nag bibigay halaga sakin ay ung taong hindi ako kukunsintihin sa mga ginagawa kong mali. Ung kahit masaktan ako e alam ko naman na ang intesyon nila ay para mapabuti ako at maitama ang mga mali.

Kagabi, nakipag one on one ako sa mom ng friend ko. Marami akong natutunan. Marami akong naisip at napag tanto na pagkukulang ko. Mga ugali ko na dapat kontrolin at bawasan dahil hindi maganda ang nagiging resulta nito.  Mayroon siyang sinabi sakin na hindi ko malilimutan, sabi nya,

“nak,hindi mo mababago kung sino ka, makakapag adjust ka pero hindi sa lahat. At wag kang mag alala, dahil may taong kayang intindihin ang mga bagay na hindi maganda sayo pareho ng pagintindi mo naman sa kanya.At wag mong kakalimutang ipaliwanag ng maayos kung sino ka, para matanggap ka din niya ng maayos. Mag usap kayo. Mahalaga ang paguusap pero siguraduhin mong mahinahon kayo pareho at hindi nag aaway habang nag uusap.”

Marami tayong mga nagagawa na hindi tayo aware. Nakakasakit na pala tayo samantalang para satin normal lang yun. Maging mas sensitive tayo. Alamin natin ang mga dapat nating baguhin sa sarili natin.

Kayo ba, naisip nyo nabang alamin kung anu ang tingin sa inyo ng ibang tao ? Anu nga kaya???

No comments:

Post a Comment