Monday, April 23, 2012
Just Wait....
Subukan tingnan yung mundong ginagalawan natin ngayon, ang dating kalesa at kariton, ngayon ay motorsiklo at tricycle na, ang dating bangkang de-sagwan ngayon ay “Super Ferry” (Sakay na), ang dating Nokia 5110, ngayon eh kasing dami yata ng buhok mo ang variety mula A series hanggang Z series meron.. (Ows?). Ano ba ang punto ko? Bakit ba ang hirap sundan ng intro mo?
Kung makikita nga natin yung mundo ngayon, (sige tingan mo… tingin pa…) lahat ng dating ginagamit ng tao, ginawang upgraded, ginawang high-tech. Ang internet na connected sa wire eh hindi na in (sabagay, ikaw nga naman gumamit nun, babatiin mo ng congratulations yung kaibigan mo bagong kasal, nakapanganak na nun napost sa wall nya sa FB dahil sa bilis ng internet), tulad ng hindi mo na kailangang magdikdik pa ng bunga ng coffe beans para makapagkape. Lahat ay nagagawa na ng mabilis, lahat ay instant. Eto nga daw ang generation ng instant, lahat ng mabilis at madali naibigay na sa kanila, ready-made thesis, assignment, project nasa internet na… mabilis na communication sa phone at social networking sites, nagbago nga talaga ang rate ng galaw ng mundo ng bawat ordinaryong tao. Ang tanong ko, dahil ba sa pagbabago na ito, nabawasan din ang kakayanan nating maghintay? Is patience still a virtue? Usapang paghihintay tayo.. Hintay ka lang eto na…
Patience… Endurance… Staying power… Tolerance… Lack of complaint… Persistence… Fortitude… Serenity… Sa dami ng sinabi ko, nakuha mo na siguro yung point, lahat babagsak sa paghihintay, isang matatag at matiyagang paghihintay. Alam ko naman, sasabihin mo na di birong maghintay, lalo na at may mga bagay na kailangan kang isaalang – alang habang ginagawa mo to. Natural tendency na yata ng tao ang maging dynamic, we get bored kung masyado ng mataas ang rate at accuracy ng consistency. Sa ganoong dahilan mahirap panindigan ang paghihintay. Bihira na nga sa atin ang gumagawa nito, ayaw maniwala? Eto ang ilang halimbawa:
1. Marahil kahit minsan, habang nagpepeysbuk ka (facebook) eh nagreklamo ka na din at sinabing, “ang bagal naman ng internet! kainis… dapat talaga DSL gamit naten eh….” (subukan mo kasing bawasan yung 18 open tabs mo?)
2. Sinabi mo o may nagsabi sa’yo habang nanunuod ng movie na, ifast forward na nga natin, dun na sa fight scenes tsaka sumasabog. (nanuod ka pa ng movie, di sana World’s Most Amazing videos na lang pinanuod mo?)
3. Nagsabi ka ng “Ang tagal naman maluto niyan, gutom na ko, di pa ba luto?” kahit kakabuhos lang ng mantika sa kawali (ano ba balak mong kainin? Piniritong mantika?)
4. Sinabi mo din na, “Ang tagal naman ng uwian…!” kahit 1:00 pm pa lang. (alam mo naman sanang gang 5:00 pm ka, di ka na lang umabsent?)
5. Nagreklamo ka na din sa fast food chain dahil matagal ang order mo na fried chicken thigh (puro wings kasi luto kaya nagpaluto ka) kahiy na 5 minutes ago pa lang ang nakakaraan at inabisuhan ka naman na 15 minutes bago maluto.
6. Muntikan ng ibato ang cellphone at sabihing “Kainis naman! Delayed ang messages!” (bawasan mo kaya yung sampung katext mo, at tigilan mo kakasend mo ng GM na “Gud eve powh! kakaen na powh akoh!… ulam ko powh adowhboh…”)
7. Nainis sa jeep dahil ang tagal umalis (ouch, guilty ako dito…) (eh alam mo naman punuan yan eh, bayaran mo kaya yung kulang para umalis…)
8. Nagtanong ng ganito, “kailan mo ba ko sasagutin? one month na kong nanliligaw ah, wala pa din?” (feeling ha? one month ka ng nanliligaw o one month ka ng nagtetext sa kanya at nagpadala ng “hi? , kumain ka na po? , gising ka pa? , bakit malungkot ka? ay mali pala… hehehe… … … …)
9. Mas piniling manood ng movie adaptation ng mga magagandang libro kaysa magbasa, sabi mo: “Mas gusto ko kasi yung may nakikita…” (Sos! Given the chance, babasahin mo nga kaya talaga ang 500 – 1,000 pages novels kumpara sa 1 – 2 hours movie adaptation?)
10. Nainis ka manong guard bago pumasok sa mall dahil ang tagal magcheck ng bags, ang hilig pang makapkap ng pwet, nagkakamalisya ka tuloy sa kanya (mukha ka daw kasi kahina-hinala? )
Ending? Wala na nga yatang pasensyang mag-intay ang tao. Sinanay tayo ng mundo sa instant, kaya mula sa maliit hanggang sa malaking aspeto ng buhay ng tao, napakaliit lang ng puwang para sa paghihintay. Di ko naman nilalahat, may mga ilan pa din naman na kayang maghintay, mga taong alam kung ano ang halaga nito. Bakit nga ba wala tayong tiyagang maghintay?
Iniisip kasi natin na marami tayong ibang magagawa kaysa naghihintay tayo. Pinanganak ka kasing nananalaytay sa dugo ang bawat letra ng salitang OPTIMISTIC, kaya hindi pwede sa’yo ang nag-iintay lang.
Habang nag-iintay ka, meron kasing dumating na mas magandang pagkakataon at opportunity, kaya binitiwan mo na yung iniintay sa pag-aakalang mas maganda yung bagong dating.
Mahalaga kasi ang bawat oras mo, at walang karapatan ang sinuman na sayangin ito, respeto at paggalang kasi sa kapwa ang pagdating sa tamang panahon, kaya dapat wag pinag-iintay ang kausap.
Naiinis kang maghintay lalo na sa pila, dahil pakiramdam mo, mas deserving ka sa nauna sa’yo, sumingit lang naman sila, samantalang ikaw, kanina ka pa nakapila.
Masyado na kasing matagal para sa’yo ang panahon na pinag-intay mo, at sa nagmamadaling mundo dapat lang na makisabay ka dito, kung hindi, maiiwan ka.
Mahirap kasing manatili sa estado ng walang kasiguraduhan. Aminin natin na ang pinakamahirap na pakiramdam sa paghihintay ay ang takot na walang kasiguraduhang dadating ang iniintay mo, marami sa atin ang takot sumugal, mahirap para sa karamihan sa atin na lumakad sa buhay na may piring sa mata, di sigurado kung ang tamang ang susunod na hakbang sa buhay na gagawin.
Ilan lang yun sa mga dahilan kung bakit di mo masisisi ang ilan sa kawalan ng tiyagang maghintay. Pero para sa mga taong nagtitiyagang maghintay (kagaya ko, espesyal mention talaga sarili? ^_^), ano bang meron sa paghihintay?
Madami ka pa naman din pwedeng gawin habang naghihintay. Pwede mong libangin ang sarili mo habang pinagmamasdan ang ibang tao. Pagtingin sa mga kilos nila at galaw (malay mo, makahuli ka ng snatcher ng di sinasadya). Pero seryoso, minsan sa pagtingin sa tao, may mga bagay kang marerealize, at masasabi mo na, napakagaling na guro ni Pareng buhay.
Tukso ang gasolina na magpapaapoy sa pagduda at alinlangan mo. Minsan dadating sa buhay mo ang tao o bagay na mgpapaisip sa iyo, bakit ba ngayon ko lang siya nakita? Iintayin ko pa ba si A kahit andito na si B? Hindi ko sinasabing mali na igrab ang bagong opportunity, lalo na kung sa work, pero utang na loob naman, kung sa love life mo mangyayari yan, mag-isip ka muna. Ang pagpasya sa aspetong emosyonal ay tipo ng pagpapasya na maaring dalin mo ang epekto hanggang dulo. Ikaw ang driver ng buhay mo, maligaw ka man dahil sa magulong direksyon na ibinigay sa’yo ng napagtanungan mo, wag mo silang sisihin, ikaw ang engot na naniniwala sa kanila, at kamay mo ang kumakabig ng manibela.
Ang taong naghihintay ay kumukuha ng lakas sa pagpapahalaga niya sa tao o bagay na hinihintay. Tandaan na mas importante ang tao o bagay para sa kanya, mas kaya niyang patuloy na pasanin sa balikat ang takot at pag-aalinlangan, at magtiwala na dadating ang panahon, maipagkakaloob din sa kanya ang inintay niya.
Lahat ay may proseso, wag mo itong madaliin. Di iilan ang nagkamali na subukan ang ilang bagay na hindi pa talaga para sa edad nila. Oo, ang mga maagang nabuntis at naging magulang ang tinutukoy ko. Kung dala man ng kapusukan o ano pa mang dahilan, babagsak lang lahat sa kawalan ng kakayahang mag-intay. Mabuti sana kung lahat ng tao ay may magulang na handang sumuporta sakaling nadala sila ng kapusukan, pero tanggapin natin na madami pa din ang napapariwara. Minsan, dapat alam mo kung gaano kahalaga ang timing… may tamang panahon para sa lahat…
Nagiging mali na kasi ang konotasyon ng tao sa paghihintay. Di natin sila masisi, sino ba ang di nakakaalam ng “Filipino Time”. Grade 1 pa lang yata, itinuturo na sa paaralan ang masamang kaugalian daw ng Pinoy. Respeto daw ang pagdating sa oras, sang-ayon naman ako dun, dahil ako mismo, ayaw ko ng late. Pero sa ibang pagkakataon o aspeto, tandaan natin na napakapositibo ng salita pag-iintay, hubarin natin ang mabigat at negatibong pakiramdam na ibinalot natin dito. Nagpapakita ito ng katatagan at dedikasyon, lalo na sa pag-iintay sa mga bagay na maaring magpabago ng buhay natin, tulad ng babaeng hawak mo ang kamay kanina, na di ka man sagutin, alam mong mahal ka, at kailangan lang niyang unahin ang pag-aaral niya.
Pila at pagsingit. Mula pa yata ng unang panahon, madalas na itong isyu. Willing ka naman maghintay eh, kung patas lang lahat na mag-iintay. Nakakainis kasi na makitang, habang buong loob kang sumusunod sa hinihingi sa iyo, madaming ibang tao ang mapgsamantala. Disiplina, kakambal yan ng paghihintay. Alam natin bilang tao na naranasan na din maghintay, na mahirap itong gawin, bakit hindi natin ilagay lahat sa patas? Simpleng gawain lang ang pagpila, pero napakalaking pag-unlad na pangsarili ang makukuha natin dito. Simulan natin magbago sa maliliit, lahat naman sa maliit nagsisimula. (ayaw maniwala? totoo, kaw nga dati sperm ka lang…)
Nagmamadali nga ang buong mundo, kasi nagmamadali ang tao. Lahat iniisip na kailangang makisabay sa pagbabagong ito, dahil takot kang mapag-iwanan kaya ka nagmamadali. Tanong lang, mamamatay ka ba kung hindi touch screen ang phone mo? Mababawasan ka ba ng hangin sa baga kung ang camera mo ay di napapalitan ng lens na worth 5,000 each? Matutuyo ba ang dugo mo kung hindi flat screen ang TV mo? Sasabog ba ang brain cells mo kung hindi bago every year ang kotse mo? Punto ko lang, wag kang makisabay lagi sa mundo, baka hindi mo kayanin ang pressure, o mas masama, hindi kayanin ng mg taong hinihilingan mo na masabayan mo ang mundo. Kailan ka ba huling nanuod ng patak ng ulan? Nakakita ka na ba ng bahaghari? Kailan ka huling tumingal sa langit? Alam mo brad, ang daming napakagandang bagay sa mundo na kailangan lang pag-ukulan ng panahon para maapreciate mo. Sa nagmamadaling mundo, makikita mo kaya ito?
Mahirap manatili sa estado na walang kasiguraduhan. Totoo yun. Pero di ba papasok dun ang salitang pananampalataya sa nasa taas? Naaalala mo pa ba ang itinuro sa atin na “good things come to those who waits?”… Minsan ikaw na lang din ang nagpapabigat sa sitwasyon mo, sa halip na lunurin mo ang sarili mo sa pag-aalinlangan at pag-aalala, kumapit ka at manampalataya na paglubog ng araw, may buwan na papalit. malay mo, pagsikat ng araw kinabukasan, ayan na yung iniintay mo.
Sa kabila ng napakaraming pagkakataon na nag-intay tayo, takot pa din tayong mag-intay, Marahil dahil ito sa bilang ng nag-intay tayo at nabigo. Pero naalala mo ba na ang buhay ng tao ay isang mahabang pag-iintay? Na lahat tayo ay dadating sa punto na kailangan nating humarap sa kamatayan. Sa panahon na yun, hindi tayo tatanungin kung anong unit ng cellphone natin, kung ilang flavor ng Starbuck’s coffe ang natikman natin, kung flat screen ba ang TV mo sa bahay, o kung nag-a-update ka sa FB via iphone o blackberry…. Bagkus, sa punto na yun, tatanungin tayo kung ano bang ginawa nating mabuti para sa kapwa at sa sarili natin sa buong panahon na nag-intay tayo na harapin ang wakas ng buhay natin…
Ang haba naman! Nakakainip basahin! ^_^… peace?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment